Christine Cloma

Ang Munting Kandila

 

Isang gabi ng Kapaskuhan, may isang batang lalaki ang patungo sa katedral. Siya ay si Raul. May dala-dala siyang isang maliit na kandila na tanglaw niya sa paglalakad. Balak niyang itirik iyon sa altar ng katedral para gumaling ang maysakit at malubha niyang ina.

 

Mula sa munting bahay nina Raul patungo sa katedral, kinakailangan niyang tumawid sa isang masukal na gubat. Sa gitna niyo’y may isang balon na ayon sa sabi-sabi ay pinagmumultuhan.

 

Nang malapit na siya sa balon ay nakarinig siya ng mga taghoy. Natakot si Raul at binilisan niya ang paglalakad upang malagpasan agad ang balon. Subalit natalisod siya’t nadapa malapit sa balon. Napahiyaw sa takot si Raul.

 

Walang anu-ano’y nakarinig siya ng tinig na nanggagaling sa balon.

 

“Para mo nang awa … ibigay mo sa akin ang iyong kandila upang makita ko ang daan palabas,” anang tinig ng isang bata sa loob ng balon.

 

Sumagot si Raul, “Ang kandilang ito ay para sa aking ina. Ititirik ko ito sa altar upang gumaling siya.”

 

“Hindi mo ba ako mapagbibigyan sa gabi ng Kapaskuhan?” ang samo ng tinig.

 

Nag-isip sumandali si Raul. Pagkatapos ay inihagis niya ang kandila sa balon. Lumuhod siya at sumubsob sa dalawang palad at umiyak.

 

Bigla-bigla ay nagliwanag. Nang itaas ni Raul ang kanyang mukha ay nakita niya ang isang bata na tangan-tangan ang kanyang kandilang inihagis niya sa balon.

 

“Magbalik ka na sa inyo,” ang utos ng bata. “Ang iyong ina ay magaling na.”

 

Patakbong umuwi si Raul at nakita niya ang naghihintay niyang ina, magaling na nga at parang hindi man lang nagkasakit.

 

Isinalaysay ni Raul sa kanyang ina ang nangyari sa gubat. Matapos iyo’y napagpasyahan nilang magtungo sa isang lumang kapilya na malapit sa kanilang bahay upang magpasalamat.

 

Nang sila’y pumasok sa kapilya ay halos masilaw sila sa liwanag na nagmumula sa altar. Ang luma at maliit na kapilya ay nagliwanag at gumanda tulad ng isang katedral.

 

“Raul, bakit ganoon ang liwanag? Paano at bakit ang isang kandilang munti ay nakapagbibigay ng ganoong liwanag?” ang tanong ng kanyang ina.

 

Lubhang namangha si Raul. Habang sila’y nakaluhod ay tiningnan niya ang kandila. Nakilala niya ang kandila. Iyon ang kandila niyang inihulog niya sa balon at dala-dala ng batang kanyang tinulungan!

 

Ang liwanag ng kanyang munting kandila ay nagbalik sa kanya nang higit pa sa liwanag ng sanlibong kandila.

 

Dahil sa kabutihang ipinamalas ni Raul, tinanggap niya ang pinakamagandang regalo para sa Kapaskuhan mula sa Diyos – ang paggaling ng kanyang inang maysakit. Iyon ang pinakamasayang Pasko sa buhay ni Raul at ng kanyang ina.

 

 

CLASSMATES, mao ni tung sa Filipino nato. hehehe, kung gusto nyo ulit i.review 🙂